text
stringlengths
0
13.1k
Pinapaniwalaang neonatal sepsis, o impeksyon sa dugo ang dahilan ng pagkamatay ng may 28 sanggol nitong Mayo sa pagamutan.
Itinalaga ni Binay si dating Health Sec. Jaime Galvez Tan upang mamuno sa fact-finding team. Si Tan ay kasalukuyang tagapayo ng Makati tungkol sa kalusugan.
Ang iba pang kasapi ng fact-finding team ay sina City Health Officer Ma. Lourdes Salud, Anthony San Juan at Sally Espeleta ng Health Department sa Metro Manila.
Una rito, inutos ni Binay na alisin sa pwesto ang ilang opisyal ng Ospital ng Makati kasama na ang pinuno nito na si director Julius Drilon.
Nagbabala si Binay na kakasuhan ang mga opisyal ng pagamutan kapag napatunayang nagkaroon ng kapabayaan sa pagkamatay ng mga sanggol.
"If we find negligence on the part of hospital staff and personnel, the city government will definitely file the proper cases against them," banta ni Binay.
Nagsasagawa naman ng hiwalay na imbestigasyon ang Department of Health at bumuo rin ng sariling fact-finding body na susuri sa mga rekord ng pagamutan.
Inaasahan ni DOH's National Epidemiological Center head Eric Tayag na matatapos ang kanilang imbestigasyon sa katapusan ng linggo.
Batay sa paunang impormasyon, nagkaroon ng 55 kaso ng pagkamatay ng mga sanggol sa pagamutan dahil sa sepsis mula Enero hanggang Hunyo ng 2008. Nitong buwan ng Mayo, nakapagtala ang ospital ng 45 kaso ng sepsis kung saan 28 sanggol ang namatay.
Idinagdag ni Tayag na ngayon Hunyo ay pitong sanggol pa ang namatay dahil sa nasabing impeksyon.- GMANews.TV
= Trillanes, Faeldon 'di raw gagayahin ang ibang 'Magdalo' soldiers =
MANILA - Hindi gagayahin nina Sen. Antonio Trillanes IV at Marine Capt. Nicanor Faeldon ang ginawa ng mga junior military officers na kasamahan nila sa Magdalo group na naghain ng guilty plea kaugnay sa naganap na July 2003 Oakwood mutiny.
"I don't think he is even considering it. He feels that the charge against him is moot and academic because he had been discharged from the service," pahayag nitong Miyerkules ni Atty. Reynaldo Robles, abogado at chief of staff ni Trillanes.
Sinabi naman ni Atty. Trixie Angeles, abogado ni Faeldon na nananatili ang paninindigan ng kanyang kliyente na hindi magpahain ng plea sa mga kasong isinampa laban dito.
"His actions speak of the battle he has undertaken against a false and corrupt president. A plea of guilt will be tacit admission of the power exercised by a leader who has no mandate, and such an act will ultimately ratify that power. He cannot and will not recognize that power," pahayag ni Angeles.
Nitong Martes, 11 sundalo na kasapi ng Magdalo group ang nagpalit ng kanilang guilty plea sa paglilitis ng general court martial kaugnay ng Oakwood mutiny.
Nagpalit ng plea ang mga sundalo ilang minuto matapos makausap ng mga ito si Armed Forces chief Lt. Gen. Alexander Yano, na nagpahayag na walang kinalaman sa kaso ang kanilang pinag-usapan.
Sinabi ni Robles na batay sa Article 68 of the Omnibus Election Code, wala na sa serbisyo ng militar si Trillanes mula nang maghain ito ng certificate of candidacy nang tumakbong senador noong May 2007 elections.
"Based on that (election law), he (Trillanes) is deemed resigned when he filed his certificate of candidacy. If he is resigned, how can you discharge him. We are waiting for the right time to raise it before the court martial," paliwanag niya.
Maghahain umano si Robles ng motion to dismiss the case sa korte para kay Trillanes nang ibaba naman ang hatol sa 11 opisyal na kinabibilangan nina Navy Lt. (sg) James Layug at Marine Capt. Gary Alejano. - GMANews.TV
= 102 nominasyon inaprubahan ng CA, kabilang ang 5 kalihim =
MANILA - Gumawa ng kasaysayan ang Commission on Appointments nitong Miyerkules matapos aprubahan ang nominasyon ng 102 opisyal kasama ang limang kasapi ng Gabinete ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Naganap ang pag-apruba ng CA sa kumpirmasyon ng mga opisyal at promosyon ng opisyal ng militar matapos hindi na makisali sa deleberasyon sina Ma. Ana Consuelo Madrigal at Panfilo Lacson.
Kabilang sa mga nakumpirma sina Secs Francisco Duque III (Health), Rolando Andaya Jr. (Budget), Margarito Teves (Finance), Raul Gonzales (Justice) at Ronaldo Puno (Local Government).
Bukod sa mga kalihim, inaprubahan din ng CA na pinamumunuan ni Senate President Manny Villar ang pagtatalaga kay Armed Forces Chief of Staff Gen. Alexander Yano, dalawang constitutional officials, walong ambassadors, 47 diplomats at 39 na iba pang opisyal ng militar.
Nakalusot din sina Reynaldo Villar (chairman ng Commission on Audit); Jose Melo (chairman ng Commission on Elections);Ambassadors Francisco Benedicto (to India and Nepal); Noe Wong (Cambodia); Cristina Castaner Ponce-Enrile (Vatican); Macarthur Corsino (Cuba at Dominican Republic, Haiti at Jamaica); Wilfredo Cuyugan (Syria); Minda Calaguian Cruz (Singapore); Francisco Ortigas III (Mexico at Belize, Costa Rica, El Salvador, Guatemala, Honduras, Nicaragua, at Panama); at Antonio Manuel Lagdameo (Spain).
Hindi naman nakalusot ang ad interim appointment ni Jesus Anquilo bilang Army colonel dahil sa naging hatol sa kanya ng korte.
Ito na ang pinakamaraming naaprubahan ng CA sa loob ng isang araw.
Una rito, inakusahan ni Madrigal si Villar ng kahinaan ng liderato matapos hindi aksyunan ang kanyang kagustuhan na balasahin ang komposisyon ng CA.
Iginiit ni Villar na naayon sa batas at legal ang proseso na ginawa ng CA na inaprubahan ng lahat ng mga kasapi ng komisyon.
Bilang lider ng Senado, sinabi ni Villar na tungkulin niyang ipatupad ang desisyon ng higit na nakararaming kasapi ng komisyon at hindi dahil sa reklamo ng isa lamang.
Sa hiwalay na pahayag na inilabas ng tanggapan ni Villar, sinabi nito na umabot sa 332 opisyal ang inaprubahan ng CA.
Kabilang umano dito ang 10 kalihim, isang kasapi ng Judicial and Bar Council, 256 senior officers ng defense department, 63 senior officers ng foreign service, at pinuno ng Commission on Audit at Commission on Elections. - Fidel Jimenez, GMANews.TV
= Pagtakas ng suspek sa pagpatay sa 2 opisyal ng Comelec posibleng imbestigahan =
MANILA - Handa ang Kamara ng mga Representante na imbestigahan kung papaano nakatakas sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang pulis na suspek sa pagpatay sa dalawang opisyal ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Rep. Rodolfo Antonino, chairman ng House committee on public order and safety, dapat ipaliwanag sa publiko ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Geary Barias kung papaano nakatakas ang isang itinuturing na "high-risk inmate" sa guwardiyadong Camp Bagong Diwa sa Taguig.
"Before looking into who is responsible for the escape, Barias must first explain why he should not be held to account for this embarrassing foul up," ayon sa kongresista.
Inatasan na umano ni Antonino ang kanyang mga staff na pag-aralan kung nararapat magkaroon ng imbestigasyon sa nakakahiyang insidente.
Si Police Officer 2 Basser Ampatuan, ay pangunahing suspek sa pagpatay kina Comelec legal department chief Alioden Dalaig at sa pumalit na si Wynne Asdala.
Nakatakas si Ampatuan sa Camp Bagong Diwa noong Sabado.
Iniimbestigahan naman ng pulisya ang bantay ni Ampatuan na si PO2 Mark Pasagui. - GMANews.TV
= Mayor itinalagang emisaryo ng mga dumukot sa news team ng ABS-CBN =
MANILA - Hiningi ng armadong grupo na may hawak sa broadcast journalist na si Cecilia "Ces" Orena-Drilon at tatlong iba pa na gawing emisaryo sa pakikipagnegosasyon sa kanila si Mayor Isnaji Alvarez ng Indanan, Sulu.
Ayon sa ulat sa radio nitong Huwebes, si Alvarez ay kinilalang mataas na lider ng Moro National Liberation Front.
Dinukot ng mga armadong lalaki na pinapaniwalaang miyembro ng Abu Sayyaf nitong Linggo ang grupo ni Drilon, na kinabibilangan ng mga cameramen na sina Jimmy Encarnacion at Angelo Valderama, at university professor na si Octavio Dinampo.
Nakikipagpulong umano si Alvarez kay Sulu Vice Governor Lady Ann Sahidulla at mga lokal na opisyal sa lalawigan, ayon sa ulat.
Kabilang umano sa pinag-usapan ay kung anong hakbang ang maaaring gawin ng kampo ng alkalde para sa ligtas na pagpapalaya sa mga bihag sa lalong madaling panahon.
Una rito, inulat na ligtas ang mga bihag at malayang nakakakilos.
Iginiit naman ni Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr na nanatili ang posisyon ng pamahalaan na hindi makipagnegosasyon sa mga may hawak sa grupo ni Drilon.
Nanindigan din ang ABS-CBN sa kanilang pahayag na hindi magbibigay ng "ransom" sa mga dumukot sa kanilang mga emplyeado. Sinasabing P10 milyon ang hinihingi ng Abu Sayyaf.
Nagpadala naman ng tropa ang Moro Islamic Liberation Front sa lugar kung saan pinapaniwalaang itinatago ang grupo ni Drilon. - GMANews.TV
= Ang sinag sa bandila ng Pilipinas =
MANILA - Walong sinag ng araw ang makikita sa watawat ng Pilipinas na simbulo ng walong lalawigan na unang nag-aklas laban sa pananakop ng Kastila. Alam nyo ba na minsan ay may panukalang batas na inihain sa Kongreso para dagdagan ng isa ang mga sinag na ito?
Taong 1970s nang ihain ni Lanao del Sur Rep. Sultan Omar Dianalan ang House Bill 7725 upang gawing siyam ang sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas. Ang dagdag na isang sinag ay kakatawan umano sa Muslim at mga katutubo na kasamang nakibaka laban sa mga dayuhang mananakop.
Ang walong sinag sa watawat ay kumakatawan sa Maynila, Bulacan, Cavite, Laguna, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga at Batangas.
Hindi nakalusot ang panukala ni Dianalan dahil isa sa tatlong tala na nakalagay sa watawat ay kumakatawan na o simbulo ng mga Muslim o Mindanao. Bukod sa Mindanao, simbulo sa tatlong tala ang Luzon at Visayas. - GMANews.TV
= 30 panukala naipasa ng Senado, Kamara naka-28 bago magbakasyon =
MANILA - Umabot sa 30 national bills ang ipinasa ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Senate President Manny Villar, karamihan sa mga ito ay kasama sa listahan ng priority bills ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), bago nag- adjourned sine die ang first regular session ng 14th Congress.
Samantala, Inihayag naman ni Speaker Prospero Nograles na 28 national bills ang kanilang naipasa sa loob ng 39-araw ng sesyon sa Kamara de Representantes.
Sa pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Majority Leader Francis Pangilinan na kabilang sa mga panukala na inaprubahan ng Senado ay may kaugnayan sa turismo, edukasyon, pre-need industry, at iba pa.
Sa naturang bilang ng mga naipasang panukala, tinataya ni Pangilinan na tatlong panukala ang naipasa ng Senado bawat buwan o halos isang panukala bawat linggo.
"With this in order, we anticipate a more aggressive tourism force that will encourage more tourists and generate more jobs for the poor," ayon sa senador.
Binigyan pansin din ni Pangilinan pagpasa sa ikalawang pagbasa ang panukala upang itaas ang minimum salary grade level ng mga guro Salary Grade 10 sa 19.
Kasama rin sa listahan ng mga pumasa sa ikalawang pagbasa ang Senate Bill 2230 na may kaugnayan sa illegal na pag-iingat, paggawa, pagbenta ng mga baril at armas at pampasabog; SB 2150 o Right to Reply bill; SB 1976 na magtatatag ng lima pang Metropolitan Trial Courts; at SB 3224 na kaugnay sa legislative district ng Agusan del Sur.
"We at the Senate are adamant in exploring more ways to improve the lives of our citizens. We will continue to respond to the challenge through a proactive and relevant legislative agenda," ayon kay Pangilinan
Samantala, inulat naman ni Speaker Nograles na umabot sa 398 panukalang batas (lokal at nasyunal) ang inaksyunan ng mga kongresista.
Anim umano sa 28 panukalang batas na naipasa sa ikatlong pagbasa ang ganap na naging batas matapos lagdaan ni Pangulong Gloria Arroyo.
Bukod dito, 146 resolusyon din ang na-adopt ng Kamara at 51 panukala ang nakalusot sa ikalawang pagbasa.
"The reforms we put in place to improve our collective performance in responding to the needs of our people have revitalized our legislative machinery. This enable us to reap a bountiful harvest of meaningful legislation in the first season of our stewardship over this House," ayon kay Nograles na nahalal na lider ng Kamara noong Pebrero.
"The number of measures we passed gives us enough cause to be proud of our performance. But we take greater pride in the fact that we passed quality, responsive and timely national and local bills," idinagdag niya.
Bukod sa General Appropriations Act of 2008, ang iba pang panukala na naging ganap na batas ay:
- Republic Act 9497- the Civil Aviation Authority Act of 2008 which provides a comprehensive framework for transforming civil aviation in this country into an engine of national economic development;
- Republic Act 9499- The Filipino World War II Veterans Equity Act which gives overdue recognition and benefits to neglected war veterans;
- Republic Act 9500- The new University of the Philippines charter that strengthens the capabilities and enhances the resources for excellence in education of the country's prime national university;
- Republic Act 9501- The Magna Carte for Micro, Small and Medium Enterprises which shall unleash the productivity of the country's entrepreneurial sectors;
- Republic Act 9502- The Cheaper Medicines Law that makes direly needed medicines truly affordable to the poor. - Amita Legaspi, Fidel Jimenez, GMANews.TV
= RP envoy sa Saudi dismayado sa pabago-bagong pahayag ng Pinay DH =
MANILA - Tinuligsa ni Philippine ambassador to Saudi Arabia Antonio Villamor ang Filipina domestic helper dahil sa ulat na binawi nito ang sariling pahayag tungkol sa umano'y pagsasamantala sa kanya ng amo at apat na iba pa.
Sa online news site na Arab News nitong Huwebes, sinabi ni Villamor na naninindigan ang embahada sa pagbawi ng Pinay DH sa nauna nitong pag-akusa na inabuso siya at ikinulong ng amo.
"(The OFW) flew to Manila last week after the embassy's intervention and now she is retracting her confession for the reasons best known to her... This kind of misleading attitudes of our workers will harm our bilateral relations," pahayag ni Villamor.
"The embassy stands by its report that upon representation by the embassy officer, the Qatif Police summoned the employer on May 26 to present the OFW and shed light on the case. The employer agreed to let the OFW leave and to shoulder the repatriation costs," idinagdag ng opisyal.
Sinabi ni Villamor na kinapanayam ng mga opisyal ng embahada ang sinasabing biktima sa Qatif. Kaagad na ipinadala ang mga tauhan ng embahada sa Qatif matapos mabalitaan ang umano'y pang-aabuso sa biktima upang matulungan.
Ayon sa OFW group ns Migrante International, napilitan lamang umano ang biktima na bawiin ng kanyang bintang sa amo dahil sa kagipitan at pagpilit umano ng mga pulis sa Saudi.
Dahil sa panibagong pahayag ng "biktima," sinabi ni Villamor na nagbago na ang usapin tungkol sa alegasyon ng panghahalay.
Ngunit binigyan-diin ni Villamor na paulit-ulit ang pasasalamat umano ng "biktima" sa embahada sa ginawang pagtulong para makabalik siya sa Pilipinas. Ipinaalam pa umani nito na binigyan siya ng kanyang amo ng karagdagang SR4,250 para sa pamasahe. - GMANews.TV